Binuhay sa Kongreso ang panukalang pag-amyenda sa batas laban sa adultery at concubinage upang gawing pantay ang parusa sa mga may asawa na mapatutunayang nagtaksil sa kanilang kabiyak.
Ayon kay Magdalo Partylist Representative Francisco Ashley Acedillo, isa sa mga co-author ng house bill 6010, unfair o hindi patas para sa mga kababaihan ang parusa sa mga naturang krimen.
Batay sa revised penal code, maaaring ma-convict sa kasong adultery ang isang ginang kapag napatunayang nakipagtalik ng kahit isang beses sa ibang lalaki.
Ang isang mister naman ay maaaring panagutin sa kasong concubinage kung ibinahay niya ang kanyang kalaguyo sa conjugal dwelling o kaya’y nasangkot sa bulgar na pakikipagtalik sa ibang babae at pakikisama sa iisang bubong ng hindi kasal.
Giit ni Acedillo, sa kabila ng pagsusulong ng iba’t-ibang sektor ng equality o pagkaka-pantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan ay umiiral pa rin ang diskriminasyon.
Ito’y dahil mas mabigat din ang parusa sa mga babaeng mangangaliwa kumpara sa mga lalaki.
Ayon naman kay Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, isinusulong nila na gawing “marital infidelity” ang kasong “adultery” habang gagawin namang “maintaining a paramour” ang salitang “concubinage.”
By Jelbert Perdez