Aprubado na ang increase sa daily minimum wage sa Region 9 o Zamboang Peninsula.
Ito, ayon sa Department of Labor and Employment, ay alinsunod sa wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board – 9.
Sa naturang kautusan, P35 ang dagdag sa arawang sahod ng mga non-agricultural at agricultural workers kaya’t magiging P351 na ang daily minimum wage rate sa rehiyon.
Samantala, ang mga manggagawa sa mga establisyimento na mayroong sampu hanggang tatlumpung manggagawa ay tatanggap ng adjusted daily minimum wage rate na P338 mula sa P303.
Para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at retail at service establishments na may mas mababa sa sampung manggagawa, ang wage hike ay ibibigay sa dalawang bahagi — P20 kapag epektibo na ang kautusan at P15 sa October 1.