Nasa 155 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng higit P1 bilyong ang nasabat ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Parañaque City at Cavite, kahapon.
Dalawang Chinese din ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa ikinasang mga buy-bust operation.
Kinilala ang mga suspek na Sinazhizun Chen, 38 anyos, residente ng 168 tower 2 sa Binondo, Maynila na naaresto sa Barangay Baclaran, Parañaque City at Jose Baluyot Wong o Man Kuok Wong, 38 anyos na nasakote naman sa imus city, cavite.
Unang nakumpiska ng PDEA at PNP ang nasa 38 kilo ng shabu sa isang shopping center sa Baclaran, na nagkakahalaga ng P257.8 million.
Sunod na sumalakay ang mga otoridad sa Villa Nicacia, Barangay Tanzang Luma 6, sa aguinaldo highway sa Imus kung saan nasa 117 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng 795.6 million pesos ang nalambat.
Bukod sa malaking bulto ng iligal na droga, nakumpiska rin ang ilang sasakyan kabilang ang isang Nissan sports car. —sa panulat ni Drew Nacino