Pinaiimbestigahan na sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Philippine National Police (PNP) ang umano’y panggagaya ng pirma at pekeng appointment paper sa Bureau of Immigration.
Galing ito sa isang news report kaugnay sa appointment sa posisyon ng Immigrations Commissioner.
Paglilinaw ni Press secretary Trixie Cruz-Angeles, wala pang itinatalaga si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na bagong Commissioner ng BI.
Peke at hindi rin pirma ng Pangulo ang nakalagay sa dokumento dahil batay sa Office of the Press Secretary o sa Office of the President, wala namang ganoong impormasyon ng pagkakatalaga.
Muli namang nilinaw ni Cruz-Angeles na ipinagbabawal sa batas ang paggaya sa pirma ng Pangulo at paggamit ng official seal ng pamahalaan.
Sinumang mapatutunayang gumawa nito ay paparusahan ng Reclusion Temporal na 12 hanggang 20 taon.