Gumulong na ang implementasyon ng national ID system.
Ayon kay Atty. Lourdines Dela Cruz ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula ngayong Marso hanggang July ay nasa proseso na sila ng bidding para sa lahat ng kakailanganin nila upang maipatupad ang national ID.
Sa Setyembre naman aniya ay puwede nang magparehistro ang lahat ng Pilipino para mabigyan ng national ID.
Katuwang ng PSA sa registration ng mga Pilipino ang GSIS, SSS, PhilHealth, PHLpost at Comelec.
“’Yun pong system integrator siya po ‘yung magte-train sa mga staff natin sa PSA para po sa gagawa sa national ID na ito, at syempre po sa printing, card production at personalization ng ID, ang gusto nating mangyari dito ay ibigay sa government printers natin, may close coordination na tayo with Bangko Sentral ng Pilipinas regarding this.” Ani Dela Cruz
Tatlumpu’t pitong (37) bilyong piso ang inilaan ng pamahalaan para maipatupad ang national ID system hanggang 2023.
Ayon kay Dela Cruz, para sa taong ito, target nilang mabigyan na ng ID ang may anim na milyong Pilipino.
“Kung wala po silang birth certificate or ID maire-register pa rin po sila through the introducer based system, ito ay mangyayari sa pamamgitan ng pagre-refer ng isang person sa community na kilala niya ang taong ‘yun, so inclusive siya, hindi lang siya mali-limit doon sa may mga birth certificate at ID.” Pahayag ni Dela Cruz
(Ratsada Balita Interview)