Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang mga pasyenteng gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y matapos mailathala ang isang pag-aaral kung saan posibleng makaranas ng mas malalang sintomas ng COVID-19 ang mga pasyenteng tatamaan nito sa ikalawang pagkakataon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire walang katiyakan na hindi na muling magpopositibo sa nakahahawang sakit ang isang taong nagkaroon na ng COVID-19.
Ani Vergeire may mga lumilitaw na ebidensyang nagpapatunay na mayroon talagang mga pasyenteng nagkakaroon muli ng COVID-19 at ang iba ay nagpapakita pa ng iba pang sintomas.
Dahil dito kailangan pa rin umano ng ibayong pag iingat ang mga pasyenteng una nang naka-recover mula sa COVID-19.