Ika nga nila, hindi mo kasambahay ang asawa mo, kaya hindi mo dapat iasa rito ang lahat ng gawaing bahay. Kung kaya nga ang misis na ito mula sa atlanta, sinisingil ang kaniyang asawa sa tuwing nakakalimot ito sa nakatoka sa kaniya na gawaing bahay.
Kung gaano na nga ba kalaki ang binayaran ng makalat na mister, eto.
Nagiging mitsa ng pagtatalo ng mga mag-asawa ang pagiging tamad sa gawaing bahay at pagiging makalat sa gamit. Pero ang mautak na misis na si Jess mula sa atlanta, nakaisip ng magandang strategy para pakilusin ang kaniyang mister na si DJ sa loob ng kanilang bahay.
Kada linggo, nagsasalitan ang mag-asawa sa mga house chores na nakatoka sa kanila sa loob ng pitong araw, at kapag nakalimot si DJ sa mga trabahong naka-assign sa kaniya, binibilang ito ni Jess at pinepresyuhan.
Ang halaga kasi ng bawat atraso ni DJ, nakadepende sa level ng inis na mararamdaman ng kaniyang misis.
Halimbawa, kinakailangan ni DJ magbayad ng $5 o P290 sa tuwing makakalimutan nito na takpan ang toothpaste. Kapag nakalimutan naman nitong maglaba ay mahigit P500 hanggang P1000 ang multa nito.
Sa ganitong strategy, nagagawa ring kumita ni Jess dahil ginagamit niya ang monthly fine ni DJ para i-spoil ang kaniyang sarili o idinadagdag sa kaniyang savings.
Ayon naman kay DJ, pabor sa kaniya ang sistema na ipinatupad ni Jess sa kanilang bahay. Hindi na kasi kinakailangan pang sumigaw ng kaniyang misis para manermon, habang ang kailangan na lang gawin ni DJ ay pagbayaran ang pagiging makakalimutin niya sa gawaing bahay.
Pero paglilinaw ni DJ, hindi niya sinasadya na hindi kumilos sa bahay, sadyang hindi lang daw talaga gaanong masinop. Sinabi niya rin sa isang pahayag na ang strategy na ito ay ang paraan nilang mag-asawa para panatilihin ang kapayapaan sa kanilang bahay.
Sa mga may asawa diyan, anong strategy ang ginagawa niyo para siguraduhin na pareho kayong kumikilos para sa kaayusan ng bahay at buhay niyo?