Handang – handa na ang mga tauhan ng Manila North Cemetery para sa posibleng pagdagsa ng mga tao simula ngayong araw hanggang sa Nobyembre 1.
Naka-deploy na din ang mahigit 100 tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB na magmamando ng trapiko sa palibot ng Manila North Cemetery, ang pinakamalaking sementeryo sa bansa.
Ayon kay MTPB Ground Commander Allan Sabat, sila din ang naatasang magkapkap sa mga papasok sa loob ng sementeryo.
Babala pa ni Sabat, hindi sila magdadalawang isip na i-tow ang mga sasakyang magpa-park sa mga ipinagbabawal na lugar sa paligid ng Manila North Cemetery.
Bukod dito, may nakaantabay ding e-trike sa main gate ng Manila North Cemetery para sa libreng sakay na maghahatid sa mga magtutungo sa loob ng nasabing sementeryo gayundin ang mga wheel chair para sa mga senior citizens.
Nakakalat na din ang mga truck ng bumbero, ambulansya at mga nagro-rondang miyembro ng Manila Police District o MPD sa loob at labas ng sementeryo.
Nagpaalala naman ang pamunuuan ng Manila North Cemetery na bawal na ang mga sasakyan sa loob ng libingan gayundin ang pagpipintura sa mga puntod.