Umalma si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani – Sayadi sa mga nararanasang pangha-harass ng kanyang mga mamamayan mula sa mga tagasuporta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ay ilang araw bago ang nakatakdang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lunes, Enero 21.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Guiani-Sayadi na ginagawa ang mga pananakot sa mga residente para mapilitan ang mga ito na bumoto pabor sa BOL.
Sinabi ni Guiani-Sayadi na isang opisyal mula sa MILF umano ang nagbantang dadanak ang dugo sa Cotabato City kapag hindi nanalo ang “yes” sa plebisito.
“Napakahirap nga po na magno-‘No’ ka especially dito sa inclusion ng Cotabato City kasi ‘yung mga tao dito kumbaga mahirap sa kanilang mag-‘No’ dahil you will be subjected to harassment, to threats, so napakahirap po nito. Ito ang isang dahilan kung bakit pinulong ko ang iba’t ibang sektor sa Cotabato City at hiningi ko ang kanilang opinyon nila ukol dito dahil nararamdaman ko na kailangan may magsasalita para sa kanila dahil maraming natatakot magsalita.” Ani Sayadi
Kasabay nito, kinuwestyon din ni Sayadi ang pagpapadala ng mga tagasuporta ng MILF ng kanilang mga tauhan sa lungsod sa araw mismo ng plebisito na manggagaling pang Maguindanao.
Layon lang aniya ng naturang hakbang na takutin at impluwensyahan ang mga boboto.
“Paano natin ma-ensure ang safety ng mga tao kung ‘yung mismong mga tao nila ay hindi nila nako-kontrol? so ito ‘yung mga bagay na talagang halos pinangangambahan, kaya nga napansin mo bakit sila magpapadala dito ng more than 10,000 soldiers para lang sa plebisito ng Cotabato City, talagang nakikita rin ng pamahalaan na ‘yung mga tao ay nangangailangan ng protection. We have been receiving reports that on the day of the election, libu-libong MILF supporters ang papasok sa Cotabato City to man the precinct daw, isipin mo bawat school lalagyan nila ng tig-2,000 supporters, ano naman ang gagawin ng mga supporters na ‘yan eh hindi naman sila botante sa Cotabato City, syempre mai-intimidate ang voters dito kapag nakitang ganun.” Dagdag ni Sayadi
Tiniyak ni Sayadi na kanyang igagalang anuman ang maging resulta ng plebisito ngunit huwag naman aniya idaan sa brasuhan ang BOL at hayaang ang mga mamamayan ang mag-desisyon kung nais nilang mapasama sa bubuuing Bangsamoro ang kanilang lugar.
“Sana itong darating na plebisito will be fair and credible and for the people of Cotabato City sa mga nakikinig, just go out and vote, huwag po kayong matakot, the authorities are here to protect you, ‘yung inyong mga pangamba ay nagpadala na ang pamahalaan ng enough troops to protect the people of Cotabato City.” Pahayag ni Sayadi
(Ratsada Balita Interview)