Pinag-iingat ng pamahalaan ang mga Filipino sa Hawaii kaugnay ng inaasahang pagtama ng hurricane Lane sa nasabing state sa Estados Unidos.
Sa ipinalabas na abiso ng Philippine Consulate General, kanilang hinimok ang Filipino community sa Hawaii na maghanda na ng mga emergency supply tulad ng inuming tubig, pagkain, radio, flashlights, battery, gamot, mga personal na gamit at iba pa.
Pinapayuhan din ang mga Filipino na nakatira sa mga lugar na inaasahang matinding maaapektuhan ng hurricane na magbigay ng regular na update ng kanilang sitwasyon sa tanggapan ng Philippine Consulate General.
Ipinapayo rin na palaging makinig sa mga ipalalabas na babala at abiso ng mga opisyal ng Hawaii State at Federal Government kaugnay ng hurricane Lane.
Batay sa datos, ang hurricane Lane ay may taglay na lakas ng hanging aabot sa 155 miles o 250 kilometers kada oras at inaasahang magdadala ng matitinding pag-uulan na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
—-