Mula sa tradisyonal na pagbabayad ng cash, tuluyan nang in-adopt ng marami ang pagiging cashless dahil sa pagtangkilik sa e-payment options. Pero ngayon, pati ang mga cashier, sa screen na lang din makikita at makakausap, katulad sa ilang restaurant sa New York City kung saan ang sumasalubong sa mga customer ay virtual cashiers all the way from the Philippines.
Kung paano tinanggap ng mga customer ang makabagong konsepto na ito, eto.
Kaniya-kaniyang diskarte ngayon ang mga pilipino para lang maka-survive at makasabay sa ekonomiya. Mayrong mga nagdo-double job, may kumukuha ng mga raket, at mayroong humahanap ng oportunidad sa ibang bansa.
Ngayong digital na ang lahat, hindi na kinakailangan pang mag-abroad ng mga empleyado para maghanap ng mas malawak na career opportunities at mas malaking sweldo dahil pwedeng-pwede na itong makamit kahit nakaharap lang sa screen.
Sa New York City, ilang bagong restaurants na ang nag-a-outsource ng mga virtual cashier mula sa pilipinas kung saan ine-entertain ng mga ito ang mga customer gamit ang video conferencing application.
Sa NYC, $16 ang minimum pay ng mga empleyado kada oras o mahigit 900 pesos. Kung susumahin, mahigit 27,000 pesos ang maaaring kitain kada buwan.
Eto pa, sinabi ng isang virtual cashier sa isang pahayag na kung minsan ay malaki ang ibinibigay na tip ng mga customer, lalo na at hinihikayat ang mga ito na magbigay ng tip na nagkakahalaga ng 18%.
Pero ang bagong concept na ito, tila hindi nagugustuhan ng ilan, kabilang na ang tech entrepreneur na si Brett Goldstein na siyang pumuna rito sa social media.
Aniya, ang pag-outsource ng virtual cashiers ay isang paraan para mag cost-cutting. Bukod pa riyan, sinabi rin nito na posibleng sa mga susunod na buwan ay ai na ang gagawa sa nasabing trabaho.
Gayunpaman, nagustuhan o kinontra man ito ng ilan, malaking tulong pa rin sa mga Pilipinong virtual cashier ang natatanggap nilang mga tip na nagsisilbing karagdagan sa panggastos nila sa araw-araw.
Ikaw, isa ka rin ba sa mga nangangarap na makapag-abroad? Don’t lose hope. Apply lang nang apply at matatanggap mo rin ang job offer na nararapat para sayo.



