Sinisingil ngayon ng mga mangingisda ng Zambales si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa naging pangako nito noong kampaniya hinggil sa Scarborough o Panatag Shoal.
Kasunod ito ng naging pahayag ng Pangulo na hindi mapipigilan ng Pilipinas ang China sa plano nitong pagtatayo ng environmental monitoring station sa nasabing bahura na kilala rin bilang Bajo de Masinloc.
Ayon sa mga mangingisda, hindi dapat pumayag ang Pangulong Duterte sa planong pagtatayo ng istruktura ng China sa nasabing bahura dahil sa makaaapekto ito ng matindi sa kanilang kabuhayan.
Babala naman ni dating National Security Adviser Roilo Golez, dapat gumawa na ng balanseng hakbang ang Pilipinas hinggil sa usapin.
Batay sa impormasyong natanggap ni Golez, bukod sa monitoring center, balak din ng China na magtayo ng runway, government center, living quarters, radar facility at resort.
By Jaymark Dagala