Isa-isa nang nagpahayag ng pagsuko ang mga malinaw nang hindi pinalad na maging senador.
Una na rito si Atty. Romulo Macalintal ng Otso Diretso na nakakuha lamang ng mahigit sa 3,800 sa pinakahuling unofficial result.
Ayon kay Macalintal, inirerespeto nya ang desisyon ng mga botante at lubos ang pasasalamat nya sa mga tumulong at sa oportunidad na makatakbo sa senatorial elections.
Nag concede na rin si Jiggy Manicad, isa sa mga kandidato ng administrasyon.
Nagpasalamat na rin si Manicad sa mahigit 6-M bumoto sa kanya.
Samantala, kasabay ng kanyang pag concede ang lubos na pasasalamat ni Samira Gutoc sa lahat ng bumoto at tumulong sa kanya.
I’m alright, despite, you know, what happened, so, ganu’n naman talaga, e. It’s like my 3 bar exams. Anyway, to everyone who helped me, who voted for me, thank you talaga. I cannot say the immense gigantic thank you sa lahat. Saludo po ako sa Pilipinas.” ani Gutoc.
Pilo Hilbay, maayos na tinanggap ang pagkatalo sa halalan
Nag-concede na rin si dating Solicitor General Florin “Pilo” Hilbay.
Lubos na pasasalamat ang inihayag ni Hilbay kay Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan at sa lahat ng kandidato ng Otso Diretso gayundin sa mga volunteers na tumulong sa kanya sa kampanya.
Higit sa lahat anya ay ang taos sa pusong pasasalamat sa lahat ng Pilipino na naniniwalang ang isang batang tondo na tulad nya ay nararapat na manalo.
Netizens, nagpasalamat kay Chel Diokno
Nagpasalamat ang mga netizens kay senatorial candidate Chel Diokno sa pagtanggap sa hamon na tumakbo nitong mid-term elections.
Trending sa twitter ang mensahe ng pasasalamat ng netizens kay Diokno makaraang maging malinaw na hindi ito kabilang sa mga pinalad na manalo sa eleksyon.
Partikular na pinasalamatan ng netizens kay Diokno ang pagiging inspirasyon nito sa maraming kabataan na bumoto sa kanya.
De Guzman at Matula ng labor win, nag-concede na
Nag-concede na rin ang dalawang senatorial candidates ng Labor Win na sina Ka Leody De Guzman at Sonny Matula.
Sa ipinalabas na pahayag nina De Guzman at Matula, kanilang pinasalamatan ang lahat ng mga sumuporta tumulong sa kanilang kampanya.
Ayon kay De Guzman, bagama’t hindi siya pinalad na makapasok sa winning circle, nakatitiyak naman siyang pumasok siya sa puso ng mga kabataang estudyante at mga organisadong seksyon ng mga manggagawa.
Kasabay nito, nangako si De Guzman na kanyang patuloy na ipaglalaban ang kapakanan ng mga manggagawa.
Samantala, sinabi naman ni Matula na marami siyang natutunan sa nagdaang halalan kabilang na ang pagpapabuti pa sa kanilang mga strategy at taktika.