Pagkatapos ng high school, desisyon ng estudyante o di naman kaya ay nakadepende sa kanilang resources kung ipagpapatuloy pa nila ang pag-aaral ng kolehiyo o mag-aapply agad ng trabaho. Pero anuman ang magiging desisyon nila, nakakaalarma pa rin ang inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority na mayroong mga nakapagtapos ng high school na hindi nakakabasa. Sa kasamaang palad, halos labinsiyam na milyon silang lahat.
Ang buong detalye, eto.
Sa ginanap na Senate Education Panel Hearing nitong April 30, ini-report ni Committee Head Sen. Sherwin Gatchalian ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na mayroong 18.96 million na graduate ng junior at senior high school nitong nakaraang taon na maikukunsiderang functionally illiterate o hindi nakakabasa at hindi nakakaunawa ng simpleng istorya.
Kabaliktaran naman ito ng mga taong functionally literate na idinefine ng PSA bilang mga taong marunong magbasa, magsulat, magbilang, at makaintindi, na kinabibilangan ng tanging 79% na mga senior high school graduates noong 2024 ayon kay Assistant National Statistician Adrian Cerezo.
Nangunguna sa mga probinsyang may mataas na kaso ng funtional illiteracy ang Tawi-Tawi, Davao Occidental, at Zamboanga Del Sur na mayroong 67, 53, at 49 percent.
Taliwas ang naging resulta ng datos sa “basic goal” ng edukasyon na siguraduhing ang bawat estudyante ay matututong magbasa, magsulat, magbilang, at makaunawa.
Pero ayon kay Department of Education (DEPED) Secretary Sonny Angara, sisiguraduhin nila na sa pamamagitan ng mas pinalakas na mga hakbang, matututo ang mga estudyante na maging critical thinkers at hindi masasanay sa pagme-memorize lang.
Samantala, magsisimula ngayong bakasyon ang mga programa mula sa DEPED na Bawat Bata Makababasa Program (BBMP) at Literacy Remediation Program (LRP), at Learning Camp.
Sa mga magulang na nagpapaaral diyan, papayag ba kayo mauwi sa kaparehas na sitwasyon ang binabayaran niyong tuition?