Inaasahan na ang pagsalubong sa halos 28 milyong estudyante sa buong bansa ng mga problema sa unang araw ng pasukan.
Ayon kay Raymond Basilio, Alliance of Concerned Teachers Secretary General, namonitor nila na magkakaroon ng siksikan at kakulangan sa mga pasilidad sa mga paaralan sa buong bansa.
Batay aniya sa abiso ng mga guro mula sa 15 rehiyon, pinangangambahan na muling mararanasan ang mga dati nang problema sa pabubukas ng klase ngayong araw.
Tulad na lamang umano sa Region 1 at 6 na siksikan ang mga estudyante at guro sa mga silid na gawa sa plantsang yero habang sa Region V ay ginagawa ang klase sa mga kubi.
Maging sa Metro Manila umano ay hindi rin mawawala ang mala sardinas na sitwasyon sa mga silid aralan.
Una rito, nanindigan ang DepEd na isolated cases lamang ang mga problemang ito at hindi ito sumasalamin sa sitwasyon ng mayorya sa mga pampublikong paaralan.
Balik eskwela na ang tinatayang 28 milyong estudyante sa pagsisimula ng school year 2019, ngayong Lunes, Hunyo 3.
Kasabay nito, tiniyak naman ng Department of Education ang kanilang kahandaan sa muling pagbubukas ng klase.
Kabilang sa mga paghahandang ginawa ng DepEd ang paglulunsad ng national ‘Oplan Balik Eskwela’ na tatagal hanggang Hunyo 7 kung saan maaaring dumulog ang mga magulang na may katanungan at hinaing hinggil sa pagbabalik eskwela.
Inanunsyo rin ni Education Secretary Leonor Briones noong nakaraang linggo ang patuloy nilang pagtanggap ng mga aplikante bilang bagong public school teachers pati na rin ang mga gagawa ng higit 80,000 bagong classrooms.
Target ng gobyerno na maibaba ang class-to-student ratio sa 1 is to 45 sa elementarya at 1 is to 25 sa kindergarten.