Pinalalayas ng Malacañang ang Chinese vessels na nasa Kota Island.
Ang Kota o Loaita Island ay ika-sampu sa mga malalaking isla sa Spratlys na sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang official business ang Chinese vessels sa nasabing isla na ang sukat ay nasa halos pitong ektarya at may layong 35 kilometro sa Thitu o Pag-asa Island na nauna nang pinaligiran ng ilang Chinese militia vessels.
Malinaw aniyang pag-atake sa soberanya ng Pilipinas ang ginagawa ng China kaya’t kailangang maghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) kapag natapos na ang verification.
Tiniyak ni Panelo na hindi kukunsintihin ng Pilipinas ang pananatili ng Chinese vessels sa teritoryo ng bansa bagama’t kinikilala ng Malakanyang ang magandang ugnayan ng Pilipinas at China sa sektor ng kalakaran.
—-