Posibleng matanggal sa listahan ng DSWD. Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development sa mga benepisyaryo nito na huwag gamitin sa online gambling ang mga natatanggap na ayuda.
Batay sa inilabas na kautusan, inatasan ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng tagapagpatupad ng programa na paalalahanan muli ang mga benepisyaryo kaugnay sa patakaran, palakasin ang post-distribution monitoring, at paigtingin ang grievance mechanisms upang agarang matugunan ang mga reklamo ng paglabag.
Maliban dito, maaaring matanggal sa listahan ng mga benepisyaryo at madiskuwalipika sa pagtanggap ng anumang tulong mula sa gobyerno ang sinumang mapapatunayang gumamit ng ayuda sa online gambling.
Dahil dito, hinimok ni Secretary Gatchalian ang mga benepisyaryo na maging responsable sa paggamit ng ayuda upang matiyak na matutupad ang pangunahing layunin nito na maibsan ang kahirapan at mapabuti ang kalagayan ng mga pamilyang Pilipino.
Magugunitang pinagtibay ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang kautusan nitong tanggalin ang mga gambling platform sa mga e-wallet.