Hindi naipatutupad ng maayos ang mga batas upang maiwasan ang mga aksidente sa lansangan.
Ito ang binigyang diin ni Bert Suansing, Secretary General ng Philippine Global Road Safety Partnership.
Sa panayam ng programang “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Suansing na ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang sakuna sa lansangan ay ang presensya ng mga awtoridad.
“Halimbawa, kung merong sasakyan na matulin ang takbo merong huhuli sa kanya, doon tayo kulang na kulang, kapag ni-rate nga natin ang rate ng enforcement dito sa ating bansa from 1 to 10 baka wala pa tayo sa 5 baka 4 lang, minsan ang enforcement pinagkakakitaan pa.” Ani Suansing
Aniya mauulit at mauulit lang ang mga aksidente kagaya na lamang ng nangyari sa Tanay, Rizal kung saan bumangga ang isang bus sa poste na ikinamatay ng 15 katao na pawang estudyante kung hindi sosolusyunan ang problema ng maayos.
“Katakot-katakot na wake up call na ang nangyayari sa atin, kung hindi mo i-aadress ng tama ang mga insidenteng ito ay asahan mong mauulit uli yan, dapat magbalangkas na talaga ng mga bagay na mag-aaddress diyan, kailangan i-test yung driver at okay papasa siya pero dapat bantayan pa rin.” Dagdag ni Suansing
Inihalimbawa ni Suansing ang batas sa paglalagay ng speed limiter sa mga pampublikong bus na hanggang ngayon aniya ay hindi alam kung paano maipatutupad ng tama, gayundin din ang batas kontra drunk driving.
“Ilan na yung mga insidente ng banggaan na lasing pa ang involved, ilang taon na yung Republic Act 10586 na binalangkas tungkol sa anti-drunk driving, nakaatang yan sa balikat ng LTO na dapat maipatupad kasama ang pulis at ibang authorities, dapat nasasawata yung mga driver na nakainom na nagmamaneho. Ilang taon nang existing ang batas na yan, na bawal magmaneho ang driver na nakainom pero ‘pag tinanong mo asan yung mga breath analyzer natin, wala, pinag-uusapan pa yung pagbi-bidding.” Pahayag ni Suansing.
Umaasa si Suansing na kikilos ang mga kinauukulang ahensya hindi lamang dahil mainit pang pinag-uusapan ang isang insidente kundi dapat isipin ang pangmatagalang solusyon upang makaiwas na mangyari ang mga sakuna.
By Aiza Rendon | Balitang Todong Lakas (Interview)