Nadagdagan pa ang listahan ng mga batang nasawi matapos umanong maturukan ng dengvaxia.
Ipinabatid ni Public Attorney’s Office o PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na batay sa report ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC, tatlo pa ang nasawi dahil sa nasabing anti-dengue vaccine at nagmula ang mga ito sa mga lalawigan ng Quezon, Laguna at Nueva Ecija.
Dahil dito, sinabi ni Acosta na pumapalo na sa labing isa (11) ang nasa talaan nilang nasawi dahil sa dengvaxia.
Kasabay nito hinimok ni Acosta ang gobyerno na huwag nang magsisihan at magtulungan na lamang para maresolba ang usapin.
Samantala, mayroon umanong pumipigil sa mga kaanak ng mga batang nasawi sa dengue na naturukan ng dengvaxia na ipa-autopsy ang katawan ng bata.
Ibinunyag ito ni PAO Chief Acosta matapos ipaabot sa kanya ng VACC ang paninira umano ng ilan para mapigilan ang mga magulang na ipa-autopsy ang kanilang mga anak.
Ang mga ganito aniyang hakbang ay para hindi mabisto ang pupuwedeng matuklasan sa mga labi at maiwasan umano ang alarma na maidudulot kapag ipinagalaw ang katawan ng kanilang mga anak.
—-