Tila hango sa isang fantasy film ang ginanap kamakailan na seremonya sa Mexico matapos ikasal ang isang lalaki sa isang hayop, hindi dahil na-in love siya rito, kundi dahil isa itong matagal nang tradisyon.
Ang kwento sa likod ng kakaibang tradisyon na ito, eto.
Ipinagdiwang ang pag-iisang dibdib ng mayor ng San Pedro Huamelula sa Mexico na si Daniel Gutierrez at ng isang babaeng buwaya sa isang magarbong seremonyas.
Sa isang video na ipinost sa social media, makikita ang groom na nakasuot ng puting long sleeved polo na mayroon pang embroidery ng isang buwaya sa kaliwang bahagi ng dibdib nito.
Katulad ng ibang brides, nakasuot din ang maliit na buwaya ng puting wedding gown at kapansin-pansin ang tali na nakapalibot sa bibig nito.
Syempre, hindi matatapos ang kasal kung hindi ito seselyuhan ng isang halik na pagsasaluhan ng bride at groom.
Kakaiba man sa paningin ng karamihan, isa itong tradisyon sa Oaxaca, Mexico na isinasagawa ng indigenous groups na Chontal at Huave sa loob ng 230 years bilang tanda ng kanilang pagbubuklod.
Bukod pa riyan, isa rin sa mga dahilan kung bakit isinasagawa ang tradisyon na ito ay dahil sa paniniwala ng inidigenous communities na magdadala ito ng biyaya mula sa kalikasan kabilang na ang masaganang ani.
Alinsunod sa tradisyon, ipinaparada at dinadala sa mga bahay-bahay ang buwaya habbang suot ang kaniyang wedding gown bago simulan ang seremonyas.
Samantala, kinikilala ngayon si Mayor Daniel bilang hari ng mga Chontal at ang kaniya namang asawa ang prinsesa ng mga Huave.
Ikaw, napapaisip ka rin ba kung ano ang magiging buhay ng bagong mag-asawa matapos silang ikasal?