Sinabon ni Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar si Agriculture Secretary Manny Piñol kaugnay ng nararansang problema sa supply ng bigas at nagtataasang presyo ng mga produktong agrikultural.
Sa budget hearing para panukalang budget ng Department of Agriculture o DA sa susunod na taon, nanindigan si Piñol na walang rice shortage sa bansa.
Sa taya ni Piñol, magsisimula nang tumatag ang presyo ng bigas pagsapit ng Nobyembre.
Gayunman, hindi kumbinsido dito si Villar at iginiit na dapat magpatupad na ang pamahalaan ng price ceiling upang hindi aniya ang mga negosyante ang kumokontrol sa presyo ng mga produkto.
Binigyang diin ni Villar na ang mga magsasaka ang dapat na siyang kumikita at hindi ang mga negosyante sa mataas na presyuhan ngayon ng bigas.
Ipinaalala ni Villar na tungkulin ng DA na proteksyunan ang mga magsasaka at ang mga mamimili na hindi aniya nangyayari sa ngayon.
—-