Tinawag na “exaggerated” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pahayag na nakakaranas na ng ‘mass transportation crisis’ ang bansa.
Ayon kay MMDA Edsa traffic czar Bong Nebrija, hindi ito makatuwiran dahil makikita naman aniyang aktibo ang administrasyon para mapabuti ang sistema ng transportasyon at pagpapatayo ng mga karagdagang imprastraktura.
Katulad na lamang aniya ng pagkukumpuni sa MRT – 7 kung saan natapos na ang kalahati ng proyekto.
Dagdag ni Nebrija, hindi rin puwedeng sabihin na may transport crisis dahil lamang nasira ang LRT line gayung gumagana pa naman aniya ang iba pang train system sa Metro Manila tulad ng LRT line 1 at MRT line 3.
Gayunman, iginiit ni Nebrija na hindi nila minamaliit ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila at tiniyak na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para matugunan ito.