Itinutulak ng Trabaho Partylist ang panawagan para sa mas malawak na reporma sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO), na layong palakasin ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, lalo na sa aspeto ng patas na pamamahagi ng workload.
Nabatid na ang panawagan ay kaugnay sa mga naging pakikipag-usap ng 106 Trabaho sa mga kasalukuyang nagtatrabaho sa mga BPO companies, pati na rin sa mga industry report tungkol sa mga hamong kinakaharap ng karamihan ng call center agent at iba pang BPO employees.
Iginiit ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng 106 Trabaho, ang mga hamon na kinakaharap ng mga BPO worker, kabilang ang labis na workload, kakulangan sa tauhan, at kawalan ng sapat na kaalaman sa karapatan sa lugar ng trabaho.
“Ang labis na pagbubuhos ng trabaho sa mga manggagawa habang kulang ang mga empleyado ay isang tahimik na krisis sa maraming BPO offices. Kailangan natin ng malinaw na mga patakaran at pananagutan para matiyak na walang empleyado ang mabibigatan ng di-makataong workload,” pahayag ni Espiritu.
Maliban sa pagsusulong ng batas, layon din ng 106 Trabaho na makipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga labor group, human rights advocates, at business leaders, upang makabuo ng mga epektibong paraan ng pagpapatupad na tugma sa patuloy na pagbabago ng industriya.
“Mahigit 1.3 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa BPO sector. Matagal na nilang tinataguyod ang ating ekonomiya, panahon na para tayo naman ang tumaguyod sa kanilang proteksyon,” pagtatapos ng tagapagsalita ng Trabaho.