Magbaba ng singil sa tubig ang Manila Water simula sa Abril 1.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Department Head Jeric Sevilla, nakatakda nilang ianunsyo ang bawas singil sa kanilang tubig ngayong buwan ng Marso.
Aniya, tinatayang aabot sa limang piso (P5.00) ang magiging kabawasan sa buwanang bill ng mga kumukonsumo ng umaabot 30 cubic meters kada buwan.
Sinabi ni Sevilla, ang pagbaba sa singil sa tubig ng Manila Water ay bunsod ng foreign currency differential adjustment.
“Magpapatupad po tayo ng pagbaba ng rates dahil doon sa adjustment sa foreign currencies so simula April 1 may kabawasan sa bills ng mga customer natin, ‘yung mga karaniwang kumukunsumo ng 30 cubic meters a month, ang kabawasan po nito ay mahigit P5.00 kada buwan sa billing na tatanggapin nila.” Ani Sevilla
Water supply
Samantala, sinimulan nang buhayin ng Manila Water ang kanilang mga deep well facility para maging karagdagang mapagkukunan ng supply ng tubig.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Department Head Jeric Sevilla, limitado na ang kanilang supply ng tubig dahil na rin sa pagbaba sa critical level ng La Mesa dam.
Sinabi ni Sevilla, pilit na lamang nilang pinagkakasiya ang kasalukuyang supply para maipamahagi sa lahat ng kanilang mga consumers.
Binigyang diin naman ni Sevilla na maaga nilang pinaghandaan ang inaasahang epekto ng El Niño phenomenon pero dahil aniya sa taas ng demand sa tubig, hindi sumapat ang kanilang kasalukuyang supply.
“Masyadong mataas ang demand ngayon dahil mas maraming development, mas maraming tao, wala pa po tayo talaga kumbaga malakihang supply, umaasa lang tayo sa Angat for the past how many years already halos 40 years, ‘yan lang ang supply na pinanggagalingan natin, meron pong nakalaan na proyekto ang MWSS pero magiging operational ito sa mga susunod na taon pa, so pansamantala, sa ngayon binubuhay natin, may mga pinatakbo na tayong mga deep wells natin para makadagdag ng supply.” Pahayag ni Sevilla
(Balitang Todong Lakas Interview)