Gagawa ng isang special court ang Korte Suprema para tumutok sa kaso ng mga posibleng manggugulo sa gaganaping bar examinations sa University of Santo Tomas o UST ngayong buwan simula sa Linggo.
Nabatid na maaaring masampahan ng kasong direct contempt at sampung araw na pagkakakulong ang mga mapatutunayang nanggulo sa bar exam.
Sinabi naman ni Manila Mayor Joseph Estrada na nasa 700 mga Pulis – Maynila ang kanyang itinalaga para magbantay ng seguridad sa apat na linggong bar examinations.
Dagdag ni Estrada, magpapahiram din siya ng electronic tricycles o e-trikes na magbibigay ng libreng sakay para sa mga may edad o may kapansanang bar examinees papasok ng UST.
Samantala, nagpaalala naman si Manila Police District o MPD Director Joel Coronel kaugnay sa isasagawang re-routing sa bahagi ng España Boulevard patungong Quiapo mula 4:00 hanggang 7:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi sa apat na linggo ng Nobyembre.
Magpapatupad din ng liquor ban sa loob ng 100 metro mula UST, sa loob ng apat na linggo ng bar examinations ngayong buwan.