Pumalag ang Malacañang sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa senado, partikular sa paglaganap ng krimen sa Pilipinas.
Iginiit ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na walang katotohanan ang alegasyon ng dating pangulo at taliwas ito sa datos ng Philippine National Police, kung saan makikita ang malaking pagbaba ng krimen sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ibinida rin ni Executive Sec. Bersamin na napanatili ng kasalukuyang administrasyon ang kapayapaan at kaayusan sa bansa nang hindi isinasakripisyo ang karapatang pantao.
Tinawag naman ng kalihim na ‘outdated’ ang pahayag ni dating Pangulong Duterte hinggil sa isang drug raid sa San Miguel, Maynila, kung saan isang suspek ang nahuli habang patuloy pa ring tinutugis ng mga otoridad ang isa pang kasabwat nito.
Giit pa ni Executive Sec. Bersamin, ang mga pangyayaring ito ay patunay lamang na umiiral ang batas sa ilalim ng administrasyong Marcos, na nagbibigay sa mga Pilipino nang mas ligtas na kapaligiran at mas maliwanag na kinabukasan. - sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)