Bigo ang Palasyo na mabigyan ang Kamara ng listahan nang paggagamitan ng P275-B na pondo bilang COVID-19 response.
Gayunman sa ginawang debate sa Kamara sinabi ni Deputy Speaker Lray Villafuerte na P200-B dito ay para sa emergency subsidy program at ang P75-B ay para sa health service tulad nang pagbili ng COVID-19 test kits.
Hindi naman maidetalye ni Villafuerte kung ilang testing kits, protective gears at iba pang gamit ang kakailanganin o mabibili mula sa naturang alokasyon.
Subalit sinabi ni Villafuerte na maaaring binabalangkas na ng ehekutibo ang mga detalyeng ito at tiniyak namang mabibigyan ng kopya ang Kamara sa sandaling maging ganap na batas na ang House Bill 6616.
Nakasaad sa section 4 ng nasabing panukala na binibigyan nang kapangyarihan ang Pangulo na kanselahin ang mga appropriated programs ng anumang ahensya ng ehekutibo at gagamitin ang savings na makukuha rito sa augmentation ng alokasyon para sa anumang item para sa operasyon, response measures at iba pang proyekto o aktibidad sa 2020 national budget.