Nagpatupad ng class suspension ang Department of Education sa mahigit dalawandaang paaralan sa mga rehiyon ng Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga dahil sa pananalasa ng bagyong Tino at epekto ng shearline.
Ayon sa DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at disaster councils upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, lalo na sa mga lugar na may banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Tinatayang nasa 9,558 paaralan ang nasa panganib sa pagbaha, habang nasa 15,668 paaralan naman ang posibleng apektado ng mga bagyo.
Inatasan na rin ng DepEd-DRRMS ang mga paaralan na i-activate ang School Disaster Risk Reduction and Management teams, ihanda ang contingency plans, at siguraduhing ligtas ang mga kagamitang pampaaralan at emergency supplies.
Tiniyak naman ng kagawaran na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mag-aaral at kawani dulot ng malakas na pag-ulan bunsod ng bagyong Tino.




