Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga driver at operator ng public utility vehicle kaugnay sa pagpapatupad ng mga ito ng dobleng bayad sa mga pasahero batay sa physical appearance; size o weight ng mga ito.
Batay sa inilabas na pahayag ng LTFRB, nakatanggap sila ng kaliwa’t kanang reklamo kaugnay sa pagpapabayad ng ilang driver ng lagpas sa dapat na bayad sa mga overweight o plus-size na pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz the Third, hindi makatarungan ang overcharging at isang discriminatory ito dahil dapat ang pamasahe ay pang-isang tao lamang kahit ano pa ang size nito.
Giit pa ng opisyal, kailangang accessible at respectful sa lahat ng mga pampublikong transportasyon.
Nakasaad din aniya sa existing law at guidelines ng LTFRB na posibleng maharap sa parusa ang mga lalabag dito tulad ng multa; suspensyon sa mga operation; at pagkakarevoke ng prangkisa ng mga ito.