Sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa kanser, sisimulan na sa Agosto a-katorse ang outpatient cancer screening tests sa ilalim ng bagong YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program sa mga piling ospital sa Metro Manila.
Sinabi ni PhilHealth acting President at CEO Dr. Edwin Mercado, na kabilang sa mga accredited cancer screening test facilities ay ang Jose Reyes Memorial Medical Center, sa Manila.
Pasok sa bagong package ng YAKAP Program ang mammogram na nasa P2,610; breast ultrasound, P1,350; low dose chest CT scan, P7,220; alpha fetoprotein, P1,230; liver ultrasound, P960; at colonoscopy, na nasa P23,640.
Ayon sa ahensya, para mag-avail ito, dapat magparehistro ang miyembro sa PhilHealth YAKAP Clinic, magpasuri sa kanilang primary care doctor, at kumuha ng referral papunta sa accredited facility.
Kaugnay nito, plano ng programang ito na palakasin ang cancer prevention at maagang pagtuklas, bilang suporta sa layunin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa universal health care.