Sabi nga nila, magkakaiba ng tama ang alak sa bawat tao. Kung ang iba ay biglang nage-english, mayroon ding nagre-relapse, o di naman kaya ay bigla na lang nakakatulog sa gitna ng inuman. Pero ang lalaking ito mula sa Turkey, sumama lang naman sa isinagawang search party para sa kaniya matapos nitong mawala sa isang gubat nang nakainom.
Kung paano natapos ang search party na ito, eto.
Nakainom ang noo’y 50-anyos na si Beyhan Mutlu nang maglakad-lakad ito sa isang gubat sa probinsya ng bursa sa turkey matapos makipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan.
Pero ang lalaki, hindi agad nakabalik sa kaniyang pinanggalingan.
Dahil sa pag-aalala, agad na nanghingi ng tulong sa mga otoridad ang kaniyang misis at mga kaibigan para hanapin si Beyhan.
Nagpatuloy sa paglalakad ang lalaki at walang kaide-ideya na mayroong isang grupo na naghahanap sa kaniya.
Pero sa isang pambihirang pagkakataon, nakasalubong pa ni Beyhan ang grupo at naisipang magmalasakit at sumama sa mga ito para tumulong sa paghahanap sa hinahanap ng mga ito.
Sa kalagitnaan ng search party, bigla na lang sumigaw ang isa sa mga opisyal at tinawag ang kaniyang pangalan.
Bilang initial response, agad na sumagot si beyhan ng, “I am here.”
Tila nagkagulatan pa si Beyhan at ang mga otoridad ngunit agad na kinausap ng isa sa mga rescuer ang nawawalang lalaki na ilang minuto na pala nilang kasama na ang tanging sinabi lang ay wag siyang masyadong parurusahan at papatayin umano siya ng kaniyang tatay.
Samantala, hindi naging malinaw kung pinatawan ba ng parusa o kung pinagbayad ng multa ang lalaki, pero inihatid pa ito ng mga otoridad sa kanilang bahay. Ang sigurado lang ay hindi na nito pinahirapan pa ang mga resecuer sa paghahanap sa kaniya at kusang lumapit sa mga ito.
Sa mga mahilig uminom diyan, umuwi na lang kasi agad kapag may amats na at huwag nang mapagala-gala pa.