Kung nawawalan ka na ng pag-asa sa buhay, pakinggan mo ang kwento ng isang lalaki sa Japan na hindi nagpatinag sa panahon at hindi tumigil sa paghahanap sa nawawala niyang misis na biktima ng tsunami 14 na taon na ang nakararaan. Sa dedikasyon ng lalaki na muling makita ang kaniyang asawa, nag-aral pa ito kung paano mag-dive.
Ang kwento ng nangungulilang mister, eto.
Nagtatrabaho noon sa isang bangko sa Onagawa, Japan ang misis ni Yasuo Takamatsu na si Yuko nang tumama sa bansa ang malaking tsunami noong march 11, 2011 kung saan mahigit 2,000 katawan ang hindi pa rin natatagpuan.
Nang mangyari ang trahedya, umakyat si Yuko kasama ang mga katrabaho niya sa pinakatutok ng kanilang building na may taas na 30 feet.
Sa kasamaang palad, umabot ng 60 feet ang tsunami na siyang naging dahilan ng pagkawala ni Yuko.
Ika nga nila, kapag nawalan ka ng mahal sa buhay, kahit kailan ay hindi ka makaka-move on at ang tanging magagawa mo na lang ay ang magpatuloy.
Pero ang mister ni Yuko na si Yasuo, nagpatuloy sa kaniyang buhay habang bitbit pa rin ang pag-asa na matatagpuan niya ang kaniyang asawa kahit na 14 na taon na ang nakalilipas nang tangayin ito ng tsunami.
Dahil sa kagustuhan na mabigyan ang kaniyang misis ng maayos at pormal na libing, nag-aral si Yasuo kung paano mag-dive at mahigit isandaang beses nang sinuong ang dagat ng Fukushima.
Gayunpaman, hindi sinukuan at hindi alintana ni Yasuo ang malamig na tubig ng dagat dahil aniya, nararamdaman niya na mas malapit siya sa nawawala niyang asawa habang nasa dagat siya.
Ikaw, sa paanong paraan mo ipapakita ang pagmamahal at pagresepto mo sa partner mo kapag hindi mo siya kasama?