Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG nasa 13 matataas na kalibre ng armas gayundin ang 11 kilo ng pinatuyong dahon ng Marijuana sa ikinasang operasyon sa Malolos City sa Bulacan.
Kinilala ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang suspek na si Jason King, kilabot na gun runner at pangunahin umanong suplayer ng mga armas sa private armed group.
Sisilbihan lang sana ng Search Warrant si King sa kaniyang tinutuluyan sa Brgy. Longos kung saan, tumambad din sa mga awtoridad ang M16 assault rifle, shotgun, 2 caliber 22 rifles, isang 9mm sub-machinegun, walong pistola at mga bala.
Maliban dito, sinabi ng PNP Chief na nakuha rin mula kay King ang nasa 11 kilo ng pinatuyong dahon ng Marijuana na nagkakahalaga ng P2, 240,800.
Nabatid na dati nang nasampahan ng kaso si King dahil din sa iligal na droga subalit inabsuwelto ng korte dahil bigo ang mga pulis na tutukan ang kaso.
Nangyari ang pag-aresto kay King kasabay ng pinaigting na kampaniya ng PNP laban sa loose firearms lalo pa’t papalapit na ang halalang pampanguluhan sa susunod na taon..—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)