Sinalungat ng Kamara ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na nakabatay sa tsismis ang kasong kinakaharap ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni House Spokesperson, Atty. Princess Abante, nakabatay sa matitibay na ebidensya at sinumpaang salaysay ng mga saksi ang kasong kinakaharap ng dating pangulo sa International Criminal Court.
Buwelta ni Atty. Abante na naka-ugat sa isang “international legal process” na sinusuportahan ng dokumentaryong ebidensya at testimonya ng mga biktima ang kaso sa I-C-C at hindi sa sabi-sabi o ingay sa pulitika.
Binigyang-diin pa ng tagapagsalita ng Kamara na bilang isa ring abugado, dapat alam ni VP Sara kung paano gumagana ang mga internasyonal na hukumang panghudikatura at sa tamang forum dapat ihain ang mga legal na remedyo tulad ng motion to dismiss.
Muli ring nilinaw ni Atty Abante na hindi naki-alam at nakiki-alam ang mababang kapulungan sa mga pagdinig ng I.C.C., bilang isang hiwalay o independent mula sa international court.