Sumipa pa sa 90% ang kaso ng dengue na naitala sa unang bahagi ng taong ito kumpara nuong 2021.
Batay sa National Dengue Data ng DOH, nasa 64, 797 o halos 65,000 ang naitalang kaso ng dengue mula January 1 hanggang June 25, kumpara sa 34,000 cases na naitala sa kaparehong panahon nuong isang taon.
Ipinabatid ng DOH na 274 ang nasawi sa dengue sa unang anim na buwan ng taong ito o nasa 0.4% case fatality rate.
Ayon pa sa DOH, nasa mahigit 21,000 dengue cases ang naitala mula May 29 hanggang June 25 lamang kung saan 15% o nasa 9, 426 cases ay mula sa Central Luzon, mahigit 8,000 kaso sa Central Visayas at halos 6,000 kaso o 9% mula sa Zamboanga Peninsula.
Una nang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakakaalarma na ang pagtaas ng kaso ng dengue dahil marami na ang nao-ospital dahil dito.