Hinimok ni House Minority Leader Marcelino Libanan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglunsad ng komprehensibo at matatag na flagship national flood control and mitigation program upang labanan ang lumalalang pagbaha sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng bansa.
Para kay Rep. Libanan, sapat ang tatlong taong nalalabi sa termino ni Pangulong Marcos para ilatag at simulan ang programa na maituturing na isa sa mga maiiwang pangmatagalang legasiya ng administrasyon.
Welcome din sa lider ng minorya ang alok na tulong ni San Miguel Corporation President and CEO Ramon Ang para maresolba ang problema sa baha sa Metro Manila nang walang gagastusin ang gobyerno.
Ipinunto ng mambabatas, na maaaring ikonsidera ni Pangulong Marcos si Ang na maging isa sa mga consultant para sa mungkahing national flood control program upang masamantala ang kanyang kaalaman, resources at praktikal na solusyon.
Mababatid na ilan sa proposals ni Ang na sinusuportahan ng punong ehekutibo, Metro Manila mayors at MMDA ay ang paglilinis ng daluyan ng tubig, pagtanggal sa mga obstruction at relocation sa mga maaapektuhang residente.
Bagama’t crucial ang public-private partnerships, naniniwala ang kongresista na ang national government pa rin ang dapat na manguna sa pagresolba sa problema sa baha.