Hindi na kailangang magsagawa ng joint session ang kongreso upang talakayin ang idineklarang Martial Law o Proclamation 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Nilinaw ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na alinsunod sa saligang batas ay magkakaroon lamang joint session kung ibabasura ng kongreso ang proklamasyon.
Ayon kay Fariñas, nagpulong na ang mga miyembro ng Mindanao-Bloc sa Kamara na pawang sumusuporta sa batas militar na tatagal ng dalawang (2) buwan.
Dahil dito, posible anyang hindi ibasura ang Martial Law lalo’t mayorya ng Kamara ay sumusuporta at malinaw namang malaki ang pangangailangan dito dahil sa nagpapatuloy bakbakan ng militar at Maute group sa Marawi City.
Samantala, nakatakda namang magkaroon ng briefing ang senado sa Lunes ng hapon, Mayo 29 habang sa Miyerkules ng umaga, Mayo 31 ang Kamara.
By Drew Nacino | With Report from Jill Resontoc