Binigo ng Korte Suprema ang kahilingan ng Hacienda Luisita Incorporated na maipagpaliban muna ang nakatakdang audit sa kanilang libro.
Sa 7 pahinang resolusyon ng Supreme Court En Banc, ibinasura nito ang pakiusap ng kumpanyang pinamumunuan ng pamilya ni dating Pangulong Noynoy Aquino na pigilan ng kataas-taasang hukuman ang nakatakdang pag-audit sa pinaggamitan ng umano’y higit sa 1 bilyong Piso.
Kaugnay sa pagbasura ng mosyon, inutos din ng Korte Suprema ang pagtanggal bilang miyembro ng auditing panel ang Ocampo Mendoza Liong and Lim Auditing firm.
Bilang kapalit na third member ng audit panel, itinalaga ng Supreme Court ang Reyes Tacundong and Company na magiging epektibo sa sandaling matanggap na ang nasabing kautusan ng En Banc.
Kaugnay nito, inatasan din ng Supreme Court ang panel na magsumite ng monthly audit report bago matapos ang 90 araw na deadline.
By: Avee Devierte / Bert Mozo