Tumulong ka na nga, napasama ka pa. Ganyan ang sinapit ng isang babae na nagtatrabaho sa canteen ng isang eskwelahan matapos pakainin ang mga gutom na estudyante.
Kung bakit minasama ang pagtulong ng babae? Eto.
Taong 2017 nang matanggal sa pagiging cafeteria worker si Debbie Solsman matapos magtrabaho rito mula pa noong 2003 nang dahil lang binigyan niya ng extra food ang mga nagugutom na estudyante mula sa Denver Place Elementary School.
Ayon kay Debbie, kapag kinakausap niya ang mga bata ay sinasabi ng ilan sa mga ito na kung minsan ay hindi sila nakakakain ng hapunan.
Ang dahilan naman ng Willmington City School District para tanggalin sa pwesto ang babae ay dahil ipinamimigay umano ni Debbie nang libre ang mga pagkain sa mga bata, kabilang na ang kaniyang mga apo.
Pero ang depensa ni Debbie, binabayaran niya ang mga ekstrang pagkain na ibinigay niya sa mga bata kapag sumesweldo siya. Pero kapag wala umano siyang pera, nagsusulat siya ng IOU sa papel at inilalagay sa kaha.
Bagama’t natanggal sa trabaho dahil sa pagmamalasakit at mabuting gawain, sinabi ni debbie na kung mabibigyan siya ng pagkakataon na muling magtrabaho sa isang school canteen, tutulungan pa rin niya ang sinumang bata na manghihingi sa kaniya ng tulong.
Ikaw, sa palagay mo ba ay makatarungan ang ginawa sa cashier lady na ito?