Sa pagpapatuloy ng magkakasunod na isinasagawang hearing hinggil sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan kung saan ilang contractors, engineers, senador, at mga kongresista ang umano’y sangkot, inaasahang mas mabibigyan ito ng linaw ngayong madadagdagan na ang magsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa isyu.
Ito’y matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Si dating DPWH Secretary Rogelio ‘Babes’ Singson at Accountant na si Rossana Fajardo bilang mga myembro ng Independent Commission for Infrastructure sa ilalim ng pinirmahan niyang Executive Order No. 94. Habang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong naman ang ginawang special advicer ng ICI.
Kaugnay nito, bagama’t mayroon nang ICI na maghuhukay sa mga infrastructure at flood control projects from 10 years ago, sinabi ni House Committee on Infrastructure Co-Chairman and Committee on Public Accounts Chairman Cong. Terry Ridon sa opisyal na panayam ng DWIZ na bukas sila sa pagbibigay-daan para sa bagong komisyon pero aniya, nakadepende pa rin ito sa magiging desisyon na mga kongresista.
Ayon pa kay Cong. Ridon, maaaring tumagal pa ng isa o isa’t kalahating buwan ang aabutin ng isinasagawa nilang imbestigasyon, lalo na at mayroon pa rin silang on-going hearing.
But speaking of hearings, matatandaan na idinawit din ni Former Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hearnandez sa isyu ang mga mambabatas na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, gayong kasali ang mga ito sa mga nag-iimbestiga sa kaparehong kontrobersya.
Ibig sabihin ba noon ay kailangan na ring imbestigahan ang dalawang senador?
Ayon kay Cong. Ridon, hindi pwedeng pwersahin ang mga senador na dumalo sa hearing dahil may sariling platform ang mga ito sa senado, pero aniya, may choice pa rin ang mga ito na magbigay ng statements.
Gayunpaman, ipinaalala ng kongresista na hinahangad nila na managot at magbayad ng karampatang parusa ang mga mapapatunayang guilty sa anomalous flood control projects.
Higit sa lahat, binigyang-diin niya na sana ay maging malinis na ang implementasyon ng mga susunod na proyekto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng reporma.