Nangangamba na ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East sa lumalalang hidwaan ng Saudi Arabia at Iran.
Ayon kay John Leonard Monterona, Regional Coordinator ng Migrante Middle East, bagaman natatakot ang mga Pinoy sa Saudi Arabia, nananatili naman silang mapagmatyag sa sitwasyon ng dalawang bansa.
Sa ngayon anya ay walang malawakang kilos protesta sa Saudi na maaaring maging sanhi ng destabilisasyon ng gobyerno.
Gayunman, pinayuhan ni Monterona ang mga OFW sa kaharian na iwasan ang mga aktibidad na posibleng ituring na terorismo.
Malacañang
Samantala, tinututukan ng pamahalaan ang umiiral na tensyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran.
Ito’y para matukoy ang kaligtasan at kalagayan ng milyong Overseas Filipino Workers o OFW sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, may ugnayan na sa pagitan ng gobyerno at ng iba’t ibang embahada sa Gitnang Silangan partikular na sa Saudi Arabia at Iran.
Nakatutok din ang Department of Foreign Affairs o DFA sa sitwasyon para matiyak na nasa ligtas na kalagayan ang mga OFW.
Batay sa tala, aabot sa 1 milyon ang mga OFW sa Saudi arabia habang nasa mahigit 400,000 naman ang mga OFW sa Iran.
DFA
Ligtas ang mga Pilipino sa Saudi Arabia at Iran.
Inihayag ito sa DWIZ ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose.
Sinabi ni Jose na patuloy nilang mino-monitor ang mga developments sa Gitnang Silangan.
Tiniyak din ng opisyal na handa ang mga embassy sa Riyadh at Iran na magbigay ng ayuda sa mga Pilipino roon kung kakailanganin.
Sa datos ng DFA, tinatayang nasa 800,000 Pinoy ang nasa Saudi Arabia habang 4,000 sa Iran.
No deployment ban yet
Nanindigan ang Department of Foreign Affairs na hindi pa napapanahon para magpatupad ng deployment ban sa Gitnang Silangan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose na wala pa sa panahon ang pagdedeklara ng deployment ban dahil kontrolado pa naman ang sitwasyon ng mga Pinoy doon.
Ginawa ni Jose ang pahayag sa kabila ng nangyayaring tensyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran bunsod ng pagkakabitay sa isang Shi’ite cleric kasama ang 47 iba pa.
By Drew Nacino | Meann Tanbio | ChaCha