Tutulak patungong Amerika sa susunod na linggo ang ilang opisyal ng economic team ng administrasyon para patuloy na makipag-negosasyon kaugnay ng tinaasan pang reciprocal tariff sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go na makakasama niya sa biyahe sina Trade and Industry Secretary Maria Cristina Roque, at mga undersecretary na sina Perry Rodolfo at Allan Gepty.
Ayon kay Sec. Go, nananatiling tapat ang Pilipinas na ipagpatuloy ang negosasyon sa Amerika, upang maisulong ang isang bilateral comprehensive economic agreement o kaya ang isang free trade agreement, sa kabila ng tinaasan pang taripa sa mga export products.
Tiniyak naman ng kalihim na patuloy na isusulong ng economic team ang iba pang reporma para mapanatili ang competitive at investor-friendly business environment sa Pilipinas, habang inaapela sa Amerika ang mataas na taripa.