Pag-aaralan ng New People’s Army o NPA ang ikakasang localized peace talks ng gobyerno sa rebeldeng grupo.
Ayon kay Communist Party of the Philippines o CPP Founder Jose Maria Sison, titingnan ng mga rebelde ang magiging pagkilos ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa kani-kanilang lugar.
Kanilang aalamin kung napipilitan lamang ang mga opisyal na suportahan ang naging kautusan ng national government at kung patuloy pa rin ang gagawin nilang pakikipagkuntyabahan sa militar sa pagpapalutang ng mga pekeng rebel returnees.
Bahala na aniya ang mga NPA kung paano papanagutin ang mga lokal na opisyal na mapapatunayang hindi seryoso sa kanilang inilalatag na peace talks.
Una nang sinabi ng Department of Interior and Local Government o DILG na positibo ang mga lokal na opisyal na magkaroon ng papel para magkaroon ng kapayapaan at matuldukan ang kaguluhan na dulot ng mga rebelde sa kani-kanilang mga lugar.
—-