Hinamon ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima na magbitiw na rin ang iba pang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na sangkot sa palpak at maanomalyang flood control projects.
Ito’y kasunod ng pagbitiw sa pwesto ni Manuel Bonoan bilang kalihim ng ahensya.
Ayon kay Rep. De Lima, magbibigay-daan ang resignation ni Bonoan para sa “impartial investigation” at kinakailangang reporma sa DPWH.
Pero, aniya, hindi dapat ma-abswelto ang dating kalihim sa pananagutan sa katiwalian sa mga proyekto sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Dahil nakatutok sa isyu ang taumbayan na pagod at galit na sa paulit-ulit na pagbaha at walang katapusang pagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi aniya uubra ang mga pampa-pogi at hindi pupuwede ang “substandard” na imbestigasyon na guguhô at paglilipasán lamang ng panahon hanggang sa tuluyang makalimutan.