Handa ang House Infrastructure Committee na anyayahan sa pagdinig ang mga mambabatas na masasangkot sa isyu ng flood control projects kung mayroong legal na basehan ang mga kritikong nagdadawit dito.
Kasunod ito ng panawagan ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na maimbestigahan si House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa isyu ng maanomalyang flood control projects dahil imposible ayon kay Barzaga na wala itong alam sa kontrobersiya.
Iginiit ni Cong. Ridon, na katulad ng umiiral na protocols at bilang bahagi ng imbestigasyon ng komite… tutugon sila sa nais ng kapwa kongresista basta’t makapagbigay ito ng kumpletong detalye na may kinalaman ang lider ng Kamara sa isyu ng flood control.
Aniya, bago pag-aralan ng Infra-Comm ang mga pahayag ni Barzaga, kailangan munang maglatag ng tamang alegasyon ang kapwa kongresista.