Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi isinasantabi ng pamahalaan ang hirit na taas-sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang nasabing panawagan ay tinutugunan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na aniya’y patuloy na nag-aaral sa antas ng pasahod sa bawat rehiyon.
Sinabi ng Pangulo na bagamat masarap pakinggan ang matatamis na pangako hinggil sa wage increase, ay kailangan pa ring timbangin ang epekto nito.
Kabilang aniya rito ang epekto nito sa paglago ng negosyo, trabaho, at ekonomiya, kaya’t hindi talaga maiiwasang pag-aralan muna ang pagpapatupad ng dagdag-sahod.
Kaugnay ng usaping wage hike, ibinida ng pangulo na mula noong Hunyo ng nakaraang taon, nasa 16 na rehiyon na sa bansa ang nakapagpatupad ng wage hike.—sa panulat ni John Riz Calata