Pinaplantsa na ng lokal na pamahalaan ng General Santos ang pagbibigay ng ‘grand hero’s welcome’ kay 8-Division World Champion Manny Pacquiao.
Ito ay kasunod nang panalo ng Pambansang Kamao sa ikatlong pagtutuos nila ni Timothy Bradley na ginanap sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay General Santos City Mayor Ronnel Rivera, naghahanda na sila para sa homecoming ni Pacquiao na nakatakda sa Huwebes, April 14.
Inaasahan na mas magiging mas mainit ang pagsalubong kay Pacquiao at magkakaroon ito ng motorcade mula sa city airport hanggang sa down town area.
Samantala, isang motorcade din ang ikakasa na magdadala sa kanya sa Alabel town sa Sarangani, kung saan madalas ginagawa ang grand celebration at press conference ng kanyang pagkapanalo.
Dagdag pa ni Rivera, mayroon ng initial arrangement ang city government ng GenSan sa Saranggani Province para sa home coming celebration ni Pacquiao.
Si Pacquiao ay lumaki sa Barangay Labangal sa GenSan kung saan itinuturing syang ‘local hero.’
Ang Pinoy boxing ring icon ay tumanggap ng World Boxing Organization international welterweight belt bilang special recognition sa panalo nito kontra Timothy Bradley.
By Mark Makalalad
Photo Credit: Reuters