Matapos ang pinaikling quarantine, nakabalik na sa kanilang serbisyo ang halos 100 Health care workers ng Philippine General Hospital (PGH).
Ito ay makaraang maexpose sa pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 ang mga medical personnel sa nasabing ospital na agad isinailalim sa 5-days quarantine.
Ayon kay National Task Force (NTF) against COVID-19 Medical Adviser Dr. Ted Herbosa, mas lumuwag ngayon ang ipinatutupad na quarantine ng pamahalaan sa mga nae-expose sa nakakahawang sakit dahil ang mga walang nararanasang sintomas ng COVID-19 ay papayagang makabalik sa kanilang trabaho matapos ang 5 araw na quarantine.
Ang panibagong Isolation protocols ay ipinatupad matapos humiling ang mga ospital na paikliin ang quarantine at isolation sa kanilang hanay dahil kakulangan ng mga kawani na tumutulong upang puksain ang virus sa gitna ng pandemiya.
Sa ngayon, nasa 1.1K Healthcare workers sa PGH ang nahawahan ng COVID-19 kung saan, karamihan sa kanila ay nakakaranas ng mild symptoms. —sa panulat ni Angelica Doctolero