Nagpaabot ng pagbati ang Trabaho Partylist, bilang 106 sa balota, sa lahat ng manggagawang Pilipino sa buong mundo ngayong Araw ng Paggawa sa taong 2025.
“Mabuhay ang manggagawang Pilipino!” pagpupugay nila.
Bukod sa suporta sa umento sa minimum wage, magsusulong ang Trabaho ng mga batas na babalikat ng mga reporma at adhikaing magbibigay ng kalidad na trabaho, patas na oportunidad, sapat na sahod, karagdagang benepisyo, at maayos na kondisyon sa pagtatrabaho.
“Alam po namin kung ano ang mga kagustuhan at pangangailangan ng mga manggagawa — dahil kami mismo ay mga manggagawa,” ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho.
Giit niya, ang Trabaho ay binubuo ng mga manggagawa mula sa iba’t-ibang sektor ng paggawa sa loob at labas ng bansa, pati na rin ng mga nais pang magtrabaho ngunit nakakaranas ng mga diskriminasyon kagaya na lamang ng mga senior citizen at may kapansanan.
Nangako ang grupo na tututukan rin maging ang mga bagong kinakaharap na hamon sa kalusugan at kondisyon sa pagtatrabaho ng mga manggagawa bunsod ng climate change at modernisasyon.
Kaya bilang halimbawa, binanggit ni Espiritu ang kakulangan ng matibay na batas at mga regulasyon kaugnay ng matinding pagtaas ng heat index sa bansa— bagong problema na may matinding epekto sa kondisyon at kalusugan ng mga manggagawa.
Sinasabing maliban sa mga safety measure, isinusulong din ng Trabaho ang mas matibay na benepisyong medikal at health insurance para sa mga manggagawa.
Kasama rito ang access sa preventive care, regular na health screenings, at malawak na coverage para sa mga sakit na dulot ng matinding init.
“Napakahalaga ng mga benepisyo maliban sa arawang sweldo upang mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot at matiyak na mabibigyan agarang medikal na atensyon ang mga apektadong manggagawa,” giit ni Espiritu.
Sa pinakabagong survey, may malaking posibilidad na mahalal ang Trabaho sa unang termino nito sa Kongreso ngayong Mayo 12.