Para kay kay Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) Executive Director Prof. Mahar Lagmay, kailangan nang i-review ang mga flood management master plan at isaalang-alang ang epekto ng climate change, partikular ang posibilidad ng mas matitinding pag-ulan at pagbaha.
Aniya, dapat isama sa computer modeling ang hugis ng lupain, datos ng mga nakaraang pag-ulan at projection ng mas matitinding pag-ulan dulot ng climate change.
Sa ganitong paraan, makikita muna kung aling mga lugar ang mapoprotektahan, alin ang posibleng bahain, at kung gaano kaepektibo ang isang proyekto bago gumastos ng bilyun-bilyong piso.
Dagdag pa ni Lagmay, makatutulong ang siyensya at teknolohiya upang matukoy kung alin sa mga proyekto ang dapat ituloy at kung alin ang maaaring hindi maging epektibo.
Matatandaang nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang flood resiliency sa bansa at utos ni Department Of Public Works And Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na i-update ang mga flood management master plan.
Samantala, naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱1 bilyon para sa paggamit ng artificial intelligence sa flood forecasting at disaster prevention sa pamamagitan ng Project NOAH.

